Sa pagpatak ng ulan…

Llitterrae
2 min readJul 12, 2023

--

Kasabay ng pagpatak at himig ng ulan, at ang bawat butil ng tubig na dumadampi sa aking palad habang ito ay tila nagpapalawig upang maabot ang hindi natatanaw at nahahawakang silay ng liwanag mula sa kalangitan — ang mga mata’y kumikislap sa sinag; may kaunting kirot ngunit naiibsan ng kasiyahan.

Hindi naabot ng isipan na maaari palang manaig ang tagumpay ng sigla sa gitna ng dilim.

Sa mumunting kapalarang iniaalay ng kalikasan upang ang mga bulaklak ay yumabong, ang tuyot na lupain ay magdilimulang sumagana, at ngayon pati ang pangungulila ay hindi inalintana. Binabalot man ng ingay ng ulan ang paligid, hindi mapipigilan ang isip na muling balikan ang bawat minuto na ang mga mata’y magkaharap, magkaniig, tumititig at sinusubukang sumilip sa salamin ng pag-big.

Sa sandaling iyon, natanaw nang bahagya ang kinabukasan kasama ka.

Ang segundo ay tila naging milyong minuto. Nauungusan ng pusong mapusyaw ang kadiliman ng langit. Ni hindi maiwaksi ang mga mata sa pagtingin sa simbolo ng pag-asa. Ganito pala ang sidhi ng damdamin sa tuwing umiibig ang isa. Umaapaw ang kaligayahan kahit ang mundo ay unti — unting bumubulong sa natitirang oras para sa dalawa. Kung magkagayon ay mananalangin ng isa pang araw, kahit ang liwang ay hindi na sumilay, kahit balutin man ng nagbabadyang bagyo ang kapaligiran. Mananalangin at aasa na kung maaari ay patuloy muna ang ulan sa pagbagsak, dahil ang kaniyang bawat pagpatak ay ang bawat pagbugso ng damdamin.

Mali ba kung hangarin na hayaang ang mga kamay ay umabot sa pagitan ng isa pa, at habambuhay na maging tangan kung bumibigat na ang pasan, kung nagigipit na sa kalayaan, at kung nasasaid na ang sariling hangganan? Habang ang mga mata’y ngumingiti sa isa’t isa, lahat ng nabitawang pangamba ay panandaliang sumabay sa indak ng pagpatak ng ulan, nalulusaw sa ingay ng mga nagkakalampagang bubungan, nauubos ngunit may matitira, mapapawi ngunit mag-iiwan ng ligaya.

Hindi man mahawakan, mahagkan, ni makasama sa pagtanaw at pakikinig sa langit na tumatangis at ibinabagsak ang kaniyang mga luha, sapat nang hindi ito nagdudulot ng pighati sa isa. Sa tuwing nagluluksa ang kalangitan, ang puso ay maglalakbay sa kasiyahan sapagkat ikaw na ang naalalang larawan.

-llitterrae

--

--

Llitterrae
Llitterrae

Written by Llitterrae

writing letters in retrospect

No responses yet